
Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh na lalo pang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas at Vietnam pagdating sa ekonomiya, seguridad, at food supply sa buong rehiyon.
Naganap ang pagpupulong ng dalawang lider sa sidelines ng 47th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan parehong nanindigan ang dalawang bansa na magtulungan sa harap ng mga hamon sa ekonomiya at suplay ng pagkain.
Nagpasalamat si Pangulong Marcos sa tulong ng Vietnam sa Pilipinas, lalo na noong mga panahong nagkulang ang suplay ng bigas dahil sa tagtuyot. Ayon sa pangulo, malaking bagay ang tulong ng Vietnam para mapanatiling may sapat na pagkain sa mga Pilipino.
Bukod dito, tinalakay din ng dalawang lider ang pagpapalakas ng bilateral strategic partnership at ang mas aktibong ugnayan sa ekonomiya sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng rehiyon.
Ang pagpupulong sa Vietnam ay bahagi ng serye ng bilateral meetings ni Pangulong Marcos Jr. sa ASEAN Summit, kung saan nakausap din niya ang mga lider ng Cambodia, Thailand, Canada, European Union, at Japan.










