Pilipinas, Australia at New Zealand, lumagda sa Free Trade Agreement

Lumagda ang Pilipinas, Australia at New Zealand sa second protocol ng Free Trade Agreement (AANZFTA) para magbukas ng maraming oportunidad sa mga maliliit na negosyante sa bansa.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang naturang kasunduan ang magiging tugon sa mga bagong hamon sa business environment.

Palalakasin din aniya nito ang supply chain resilience, kasabay ng pagsusulong sa pamumuhunan at sustainable development.


Nakatutok ang kasunduan sa pagpapadali ng partisipasyon ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs) sa pandaigdigang kalakalan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang access sa merkado at global value chains at pagtataguyod ng paggamit ng e-commerce.

Samantala, mainit ding tinanggap ng pangulo ang Southeast Asia Economic Strategy to 2040 ng Australia, na isang framework kung paano mapalawak at mapaigting ang ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Australia.

Inaasahan din ng pangulo ang kolaborasyon ng Pilipinas at ASEAN sa larangan ng agrikultura, food security, digital economy, imprastruktura, turismo at kalusugan na mga pangunahing kailangan upang makamit ang komportable at matatag na kinabukasan ng mga Pilipino at mga mamamayan ng ASEAN.

Facebook Comments