Bumaba ng dalawang pwesto ang Pilipinas mula sa 180 bansa sa 2021 World Press Index.
Batay sa report ng Paris-based media watchdog na Reporters Without Borders (RSF), ang Pilipinas ay nasa 138th spot, na may global score na 45.64.
Sa statement, binanggit ang “judicial harassment campaign” ng Duterte administration laban sa news website na Rappler at sa kanilang hepe na si Maria Ressa.
Nakasaad din sa report ang hindi pagbibigay ng Kongreso ng prangkisa sa ABS-CBN.
Laganap din ang persecution sa media na sinabayan pa ng online harassment campaigns na pinangungunahan ng mga “pro-Duterte troll armies” – na siyang naglunsad ng cyber-attacks sa mga alternative news websites at sa site ng National Union of Journalist of the Philippines.
Sa Southeast Asia, lamang pa rin ang Pilipinas sa Myanmar (140th), Cambodia (144th), Brunei (154th), Singapore (160th), Laos (172nd), at Vietnam (175th), habang nakaka-angat naman ang Indonesia (113th) at Malaysia (119th).
Sa buong mundo, ang Norway ang nangunguna sa ikalimang sunod na taon, kasunod ang Finland, Sweden, Denmark at Costa Rica.
Nangungulelat naman ang Eritrea, North Korea, Turkmenistan China at Djibouti.