“Dapat handa ang bansa sa mga matitinding kalamidad.”
Ito ang pahayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Chief Renato Solidum Jr., sa gitna ng pagbabantay ng ahensya sa sitwasyon ng Bulkang Taal.
Ayon kay Solidum, bagama’t kahit anong alert level ay may posibilidad ng pagsabog, ang alert level ng mga bulkan ay nakatutok sa pinakamatinding istilo ng pagsabog o paglalagay sa Alert Level 5.
Aniya, ang binabantayan ng PHIVOLCS ay kung lalakas pa ito dahil sa bawat alert level ay tumataas ang bilang ng mga ipapa-evacuate.
Dagdag pa ni Solidum na hindi katulad ng ibang bulkan ang Taal na kumakalma matapos ang matinding pagsabog dahil kaya nitong maglabas muli ng magma kahit pa pumutok na.
Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng aktibidad ang Bulkang Taal sa magkakasunod na taon mula 2020.
Matatandaang nitong nakaraang Sabado ay inilagay ang Taal sa Alert Level 3 o magmatic unrest matapos magkaroon ng “short-lived phreatomagmatic burst” at nasundan pa ng pagbuga ng usok na may kasamang volcanic earthquake at infrasound signals.
Samantala, tiniyak naman ni Solidum na handa ang ahensiya sa anumang posibleng senaryo na mangyayari sa Bulkang Taal.