Ibinabala ng isang opisyal ng World Health Organization na dapat pa rin tayong maging maingat lalo na sa posibleng panibagong COVID-19 surge.
Ito ay kasunod ng natukoy na kombinasyon ng Delta at Omicron variant ng COVID-19 sa Estados Unidos at sa Europe.
Sabi ni acting World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines, Dr. Rajendra Yadav, wala pa silang masyadong detalye kung mas delikado at mas nakakahawa ang Deltacron variant.
Mapanganib din aniya kung magpapabaya na ang publiko lalo na’t bumabagal ang bakunahan sa bansa sa mga nakalipas na linggo.
Dahil dito, pinayuhan ng opisyal ang mga senior citizens at immunocompromised na huwag pa ring lumahok sa mga mass gatherings kagaya ng mga kampanya.
Samantala, iginiit din ng Department of Health (DOH) na dapat maging handa ang pilipinas sakaling may panibagong variant of concern na lumabas.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, natuto na tayo sa mga nagdaang surge at pinataas na rin ang bilang ng mga Pilipinong target mabakunahan sa 90 million mula sa 70 million noong nakaraang taon.