Pilipinas, dapat magkaroon ng kasunduan sa ibang mga bansang mayroong Pilipinong nakapiit sa kulungan

Iminungkahi ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senator Imee Marcos na magkaroon ng treaty o kasunduan ang Pilipinas sa mga bansang may mga nakapiit na Pilipino.

Bago ito ay nagpaabot ng pasasalamat ang Senadora sa gobyerno ng Indonesia dahil napagbigyan ang matagal nang hiling na ilipat na sa bansa ang kababayang si Mary Jane Veloso.

Ayon kay Sen. Marcos, kahit sa pagitan muna ng mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay masimulan ang pagkakaroon ng treaties kung saan ang mga Pilipinong may kaso o nakakulong ay sa “home country” o sa Pilipinas na lamang isisilbi ang kanilang sentensya.

Kapag aniya narito sa bansa ay makakatulong ito para sa rehabilitasyon ng mga kababayang nakakulong dahil maaari silang madalaw ng kanilang mga magulang, kaibigan, at mabisita kahit ng pari.

Ipinunto pa ni Marcos na kapag nasa ibang bansa ay mas malulugmok lamang ang kababayang nakakulong at mas makakaramdam sila ng kawalan ng pag-asa na magkaroon pa ng ikalawang pagkakataon kung pababayaan na sa ibang bansa sila makukulong.

Facebook Comments