Dapat na magsalita at gumawa ng agarang aksyon ang gobyerno ng Pilipinas laban sa patuloy na pang-aangkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang panawagan ni dating UN Ambassador Lauro Baja kasunod ng suporta ng ilang European states at United Nations sa 2016 arbitral victory ng Pilipinas kontra China.
Ayon kay Baja, ang note verbale na inihain ng mga bansang France, Germany at United Kingdom sa UN ay magandang oportunidad para igiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea.
Aniya, maaaring senyales ito ng tulong na maaaring bigay ng European countries sa Pilipinas.
Una nang nanawagan si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na igiit ng pamahalaan sa UN ang pagkapanalo ng bansa.
Pero para kay kasalukuyang Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., hindi na kailangan pang dalhin sa UN General Assembly ang arbitral ruling dahil malinaw na sa lahat na lehitimo ang pagkapanalo ng Pilipinas sa kaso laban sa China.