Kaugnay ng mga panawagang patakbuhin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ay hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na balikan ang napala ng Vietnam sa pagtatangka nitong magtayo ng Nuclear Power Plant.
Sabi ni Gatchalian, napilitan ang Vietnam noong 2016 na ibasura ang plano na sinimulan nilang pag-aralan noon pang 1958 matapos nilang mapagtanto na hindi na praktikal ang pagpapatayo ng isang Nuclear Power Plant.
Binanggit ni Gatchalian na bukod sa pagkakaroon ng ibang mapagkukunan ng mas mababang supply ng kuryente, ay lumobo ang project cost ng apat na nuclear reactors na magpapalala sa pagkakautang ng Vietnam.
Dagdag pa ni Gatchalian, natuklasan din ng Vietnam ang kakulangan ng mga safety at safeguard procedures at ang aspetong ito ang magpapataas sa presyo ng kuryente.
Paliwanag ni Gatchalian, kung gagamitin natin ang BNPP ang pangakong magdudulot ito ng mas mababang presyo ay maaring hindi mangyari dahil luma na ito.
Ikinatwiran din ni Gatchalian na sa dami ng safety nets na kailangang ilagay sa BNPP ay baka mas magiging mahal pa ang presyo sa binabayaran natin ngayon.