Pilipinas, dapat pa ring paghandaan ang Omicron sa kabila ng bumababang kaso ng COVID-19

Lalo pang bumagal ang hawaan ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa datos ng OCTA Research Group, nasa 0.14 na lamang ang reproduction number sa bansa kung saan 236 na lamang ang 7-day average cases na naitala mula December 7 hanggang 13.

Sabi ni OCTA Research fellow Dr. Butch Ong, magandang senyales din sa patuloy na pagbuti ng sitwasyon sa bansa ang pagbaba ng bilang ng mga pasyenteng nao-ospital dahil sa COVID-19.


Sa ngayon nasa 20% na lamang ang hospital utilization rate na malayong-malayo sa 80% noong kasagsagan ng Delta variant surge.

Katunayan, nasa magandang posisyon na aniya ang Metro Manila para magbaba ng alert level system.

Pero paglilinaw ni Ong, kinakailangan pa ring proteksyunan ng pamahalaan ang mga probinsyang may mababang vaccination rate at kulang sa mga ospital.

“I know some provinces, there are about five municipalities sharing only one hospital. Kumbaga may mga areas tayo sa Pilipinas na kulang pa rin ang health care [capacity] so we need to protect them as well,” ani Ong.

“Kaya kailangan, ma-encourage natin ang ating mga kababayan to be vaccinated, still to wear your mask and do your physical distancing because only when we combined the two, will we even lower pa the number of cases and perhaps prevent the entry of Omicron,” dagdag niya.

Kasabay nito, hinimok ni Ong ang pamahalaan na paghandaan ang posibleng pagpasok ng Omicron variant.
“Habang wala pang Omicron variant, maghanda na rin tayo. Yung hospitals natin, must be adequately staffed, adequately stocked with the medicines kontra COVID,” giit niya.

“Napansin din natin na sa ibang bansa although predominantly mild daw ang Omicron variant, there are certain countries na ang ospital nila ay napupuno na rin. So, we still don’t know enough about the Omicron, so right now, it’s best to be cautious and take precautions talaga to prepare ourselves, to prepare the country if ever Omicron does enter,” saad pa ng health expert.

Facebook Comments