Pilipinas, dehado sa RCEP – SINAG

Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dehado ang Pilipinas sa pagpasok sa Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.

Ayon kay SINAG Chairperson Rosendo So, batay sa record ay mas marami ang inaangkat natin kumpara sa inilalabas nating mga produkto.

Para kay So, hindi handa ang bansa na makipagsabayan sa open market dahil kulang ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga magsasaka.


“Kung magiging mas mabilis yung pagproseso ng mga dokumento, mas maraming papasok kesa lalabas. Alam naman natin, sa agri e konti lang ine-export natin kaya talagang makita natin na lalong lalakas yung pagpasok dito sa ating bansa in which hindi tayo masyadong preparado dahil yung tulong sa ating mga magsasaka ay hindi gano’n kalaki compare to other countries,” paliwanag ni So.

“Mahihirapan tayong mag-compete kung hindi magkakaroon ng additional budget for agricultural sector,” dagdag niya.

Kaugnay nito, iminungkahi ni So ang pagpapalakas sa industriya ng mga produktong maaaring i-export ng bansa gaya ng cacao.

Nanawagan din siya sa pamahalaan na bigyan ng kaparehong tax incentives ang mga Filipino investor gaya ng pabor na ibinibigay ng bansa sa mga dayuhang mamumuhunan.

“Kung yung inimbita nila na foreign investor na meron din naman sa ating bansa ay bakit hindi magbigay sa ating mga local investor ng kaparehong incentive. Specific sana na wala talaga rito sa ating bansa yung papasok, e siguro, wala tayong masabi ano?” pahayag ni So sa panayam ng DZXL.

Facebook Comments