Pilipinas, epektibo ang naging pagtugon sa pandemya kumpara sa ilang mauunlad na bansa – Malacañang

Iginiit ng Malacañang na nagawa ng gobyerno nang maayos ang pagtugon sa problema sa COVID-19 kung ikukumpara sa ilang mayayaman at mas develop na mga bansa na may modernong ospital.

Ito ang may pagmamalaking pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ang halos isang taong pagharap ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Roque, nakontrol ng gobyerno ang mas matinding pagkalat ng virus sa pamamagitan ng ipinatupad na mga patakaran para pigilin ang COVID-19 sa bansa.


Aniya, wala na rin ang Pilipinas sa Top 5 hanggang Top 25 ng mga bansang may pinakamaraming namatay at tinamaan ng COVID-19.

“We were excellent. Na-control po natin ang pagkalat ng sakit lalung-lalo na kung ikukumpara tayo sa mas mayayaman at mga bansa na mas mararami at mas moderno ang mga ospital. Hindi po tayo nasa top 5, hindi po tayo nasa 10, hindi po tayo nasa top 15, hindi tayo nasa top 20, hindi tayo nasa top 25. Ngayon po tumaas tayo ng isa, dati 31 o 32 tayo, ngayon number 30. So we did a very good job given na as author of the Universal Healthcare, talagang kulang na kulang po talaga ang ating health facilities at kulang iyong pondo na binubuhos natin para sa health sector,” ani Roque.

Sa kabila nito, aminado si Roque na na may mga lugar sa bansa na dapat paigtingin pa ang trabaho lalo na sa tracing para mapigilan ang mas lalong pagkalat ng COVID-19.

“Pero ang pinakamaganda po nating nagawa, napadami po natin ang ating mga TTMFs, iyong mga isolation facilities na kung saan natin ilalagay iyong mga taong na-trace na natin na nagkaroon ng close contact o iyong mga positibo. At saka lalung-lalo na po diyan sa ating mga hospital ‘no, alam na po natin kung paano gagamutin ang mga nagkakasakit,” sabi ni Roque.

Facebook Comments