Handa na ang Pilipinas sa inaasahang pagdagsa ng mas maraming turista simula sa Marso.
Ito ay kahit nagpapatuloy pa rin ang banta ng COVID-19.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Raul del Rosario, mas maraming turista ang darating sa bansa sa Marso, Abril at Mayo lalo’t papalapit na ang summer.
Kaugnay nito, nagdagdag na ang ahensya ng verification officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hangga’t maaari ay iiwasan na rin ang manual na pagsagot ng mga kinakailangang form at gagawin na ito sa loob ng eroplano o i-o-automate kung posible.
Samantala, mula nang buksan ang border ng Pilipinas ngayong buwan, nasa 10,600 na foreign tourists na ang dumating sa bansa sa pagitan lamang ng Pebruary 10 hanggang 15.
Karamihan sa kanila ay mula sa Estados Unidos, Canada, Australia, United Kingdom at South Korea.
Matatandaang kalagitnaan ng 2020 nang unang isara ng bansa ang borders nito kasunod ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Nito lang Pebrero nang payagan na ng gobyerno ang pagpasok sa bansa ng mga bakunadong biyahero mula sa mga piling bansa.