“Wait and See”
Ito ang tugon ng Malacañang sa kung ano ang magiging hakbang ng Pilipinas kapag ipinatupad na ng China ang kontrobersyal na Coast Guard Law.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maaaring magsanib puwersa ang mga bansa sa Southeast Asia ngunit nakadepende ito sa magiging desisyon ng iba’t ibang foreign affairs ministry ng bawat bansa.
Iginiit ni Roque na kailangang makita muna ng Pilipinas kung paano ipatutupad ng China ang batas bago gumawa ng hakbang.
Bukod dito, tingin din ni Roque na hindi pa ‘patay’ o walang saysay ang code of conduct sa South China Sea na binubuo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng China.
Ipinagmalaki rin ni Roque ang ilan sa kaniyang credential kaya kwalipikado siyang talakayin ang international law.
Gayumpaman, ang China ay malayang bansa kaya maaari nilang ipatupad ang anumang batas na gugustuhin nito basta’t naaayon sa international law.