Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi gagamit ng dahas o magsisimula ng pananakot ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang pahayag ng pangulo sa kaniyang personal na pakikipag-usap sa mga sundalong nagsagawa ng resupply mission sa WPS kung saan nagkaroon ng agresibong aksyon ang China sa mga sundalo ng Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi dapat ang Pilipinas ang mag-udyok ng digmaan dahil ang tanging hangarin ng pamahalaan ay makapagbigay ng mapayapa at maunlad na buhay sa bawat Pilipino.
Hindi rin aniya gugustuhin ng pamahalaan na manganib ang buhay at kabuhayan ng mga tao.
Dahil dito, sisikapin aniya ng gobyerno na ayusin ang mga isyu sa mapayapang paraan para hindi makapanakit.
Gayunpaman, iginiit ni PBBM na hindi ibig sabihin ng pagiging kalmado ng mga Pilipino ay ang pagluhod nito sa China.
Wala aniya sa kasaysayan ng Pilipinas ang sumuko sa pwersa ng ibang mga bansa.