Pilipinas, hindi kulelat sa pagpapabakuna kontra COVID-19

Nanindigan si Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na hindi kulelat ang Pilipinas sa pagpapabakuna kontra COVID-19.

Kasabay ito ng pagsisimula ngayong araw ng vaccination program ng gobyerno matapos matanggap na ang 600,000 doses ng Sinovac vaccine mula sa China.

Ayon kay Roque, magiging panatag ang publiko dahil hindi nagkakalayo ang petsa ng pagdating ng bakuna.


Hinimok naman ng ilang senador ang gobyerno na tiyaking makakatanggap ng bakuna ang lahat ng sektor ng pamahalaan kasabay ng pagsisimula ng vaccination program.

Paliwanag ni Senator Joel Villanueva, sana ay maging dahilan ang pagsisimula ng pagpapabakuna upang matapos na ang krisis na nararanasan ng bansa dahil sa pandemya.

Habang mungkahi naman ni Senator Grace Poe, maliban sa mga healthcare workers at priority sectors, dapat na unahin din ang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers at ibang manggagawa sa sektor ng transportasyon na mahalaga rin sa pagbuti ng ekonomiya.

Umapela rin ang isang kongresista na tiyakin na kasama rin sa prayoridad ng gobyerno na mabakunahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Paliwanag kasi ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, tungkulin ng pamahalaan na bakunahan ang mga Pilipino partikular na ang mga OFWs ng COVID-19 vaccine at hindi ang i-trade o ipagpalit ang mga workers kapalit ng bakuna.

Kahit wala kasi aniyang mga bakuna na magmumula sa mga foreign government, dapat pa ring mabakunahan ang mga OFWs kahit pa ang mga ito ay hindi health worker.

Facebook Comments