Ipinag-utos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ipagpatuloy ang paghahain ng diplomatic protest laban sa China dahil sa pananatili ng kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef.
Ito ang tugon ng departamento matapos manawagan ang Beijing sa Pilipinas na ihinto ang mga aktibidad nito sa West Philippine Sea.
Ayon kay Locsin, patuloy na itataguyod ng Pilipinas karatapan nito sa mga karagatan alinsunod sa international law.
Pagtitiyak ni Locsin na hindi sila mabibigo sa paghahain ng protesta.
Sinabi naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na aaraw-arawin ng Pilipinas ang paghahain ng diplomatic protest hanggang hindi umaalis ang mga barko ng China sa mga bahurang kanilang inookupa.
Iginiit naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang legal na batayan ang China para pigilan ang Philippine authorities na magsagawa ng maritime patrols sa West Philippine Sea.
Aniya ang “nine-dash line” ng China ay walang basehan sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ibinasura ng 2016 Permanent Court of Arbitration.
Sa ilalim ng Duterte Administration, ang Pilipinas ay nakapaghain na ng 78 diplomatic protest laban sa China mula nitong April 26, 2021.