Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi magpapadala ang Pilipinas ng mga Filipinong sundalo sakaling tumaas ang tensyon sa Taiwan kahit na hilingin pa ito ng Amerika.
Ginawa nang pangulo ang pahayag sa post visit report sa Washington D.C., nang tanungin kung hiniling ba ng Amerika na magpadala ng mga Filipinong sundalo sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Amerika at China dahil sa Taiwan.
Ayon sa pangulo, hindi niya ito gagawin.
Nagkasundo na sina Pangulong Bongbong Marcos at US President Joe Biden na panatilihin ang kapayapaan at stability sa Taiwan Strait.
Kaugnay nito, tiniyak ng presidente na hindi rin magagamit bilang staging post sa ano mang uri ng military action ang apat na lugar na idinagdag sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Layunin aniya ng EDCA sites na mapaigting ang calamity response at climate change, gaya ng nangyaring super typhoon Yolanda na tumama sa Leyte noong 2013.