
Hindi pakikialaman ng Pilipinas ang naging desisyon ng China na pagbawalan ang 16 na opisyal mula sa Kalayaan, Palawan na makapasok sa kanilang bansa.
Ito ay ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matapos ipataw ng China ang travel ban kasunod ng deklarasyon ng Kalayaan LGU kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan bilang persona non grata.
Aniya, hindi saklaw ng Pilipinas ang anumang desisyon ng China, at hindi rin dapat panghimasukan ng China ang mga pasya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Dagdag pa ni Castro, ang isyu ay saklaw ng foreign relations at patuloy na tinututukan ng Department of Foreign Affairs.
Samantala, iginiit ng Malacañang na igagalang ng pangulo ang kalayaan sa pagpapahayag ng Senado at maging ng China, matapos nitong kondenahin ang resolusyon ng Senado na bumabatikos sa mga pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga Pilipinong opisyal na tumututol sa aksyon ng Beijing sa West Philippine Sea.
Giit ng Malacañang, nananatiling malinaw ang posisyon ng Pilipinas sa ugnayan nito sa China: matatag, ngunit diplomatiko.










