Pilipinas, hindi malabong maging pugad ng human-trafficking, smuggling at pagtakas ng mga pugante ayon sa isang senador

Nagbabala si Senator Raffy Tulfo na posibleng maging pugad ng human-trafficking, smuggling, takasan at taguan ng mga pugante at drug operations ang Pilipinas.

Kaugnay na rin ito ng isang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na biktima ng illegal recruitment na humingi ng tulong sa senador.

Sa privilege speech, ikinwento ni Tulfo ang pinagdaanang kalbaryo ng mga biktima ng illegal recruitment na idinaan sa tinatawag na backdoor exit tulad ng umano’y dinaanan din nila dismissed Bamban Mayor Alice Guo.


Ayon kay Tulfo, nagbayad pa ang mga OFW ng P400,000 sa recruiter na nangako sa kanilang dadalhin sila sa Europa.

Aniya, August 6 nang ilipad ang mga OFW mula Maynila papuntang Zamboanga, August 20 nang makarating sa Changlun, Malaysia kung saan ibinaba sila sa isang bangin, pinaiwan ang mga bagahe, pinagtago sa tunnel, pinadaan sa ilog na hanggang bewang ang putik at anim na oras na pinaglakad sa bundok hanggang sa August 31 ay nakarating sa border ng Thailand.

Subalit ang inaasahan nilang byahe papuntang Europe ay hindi natuloy nang sabihan silang may problema sa kanilang employment papers at nagawa pa silang hingan ng kanilang recruiter ng pera at tinakot na sasabihing may droga ang mga iniwang bagahe.

Dagdag ni Tulfo, patunay lamang ang kasong ito kung gaano kahina ang ating border security at kawalan ng regulasyon sa mga sasakyang pandagat sa bansa.

Facebook Comments