Umaasa ang Deparment of Health (DOH) na hindi naman maranasan ng Pilipinas ang katulad na sitwasyon ngayon sa India na napakaraming tinamaan at nasawi dahil sa COVID-19.
Ayon kay Treatment Czar at Health Usec. Leopoldo Vega, hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan.
Sa katunayan, naging maagap ang pagpapatupad ng lockdown sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant.
Sinabi pa ni Vega na napataas na rin ang bilang ng Intensive Care Unit (ICU) beds na mula sa dating 703 ay naiangat ito sa 1,383 gayundin sa isolation beds na siyang gagamitin ng mga tatamaaan ng severe cases.
Kahapon, pinasinayaan ang 110 bed capacity modular hospital sa Lung Center of the Philippines para sa critical care.
Ani Vega, mag e-expand din sila ng ICU sa mga Level 3 hospitals na makatutulong para matugunan ang pagtaas ng kaso sanhi ng Delta variant.
Kasunod nito, payo ng opisyal sa publiko na ‘wag magpabaya at siguraduhing nasusunod ang health & safety protocols at magpabakuna na rin kung may laan ng slot para sa inyo.