Iginiit ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na hindi dapat makipag-negosasyon ang Pilipinas sa China kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).
Para kay Rodriguez, maituturing na “frenemy” natin ang China na palaging nanghihimasok sa ating bakuran at nangha-harass o nambu-bully sa ating mamamayan.
Kaugnay nito ay binatikos din ni Rodriguez ang pag-reject ng China sa House Resolution No. 1494 na pinagtibay ng House of Representatives na komokondena sa ilegal na mga aktibidad ng China sa WPS.
Diin ni Rodriguez, walang anumang bansa ang maaring humadlang sa paghahayag natin saloobin lalo na ang pagpalag sa mga umaangkin o nanghihimasok sa ating teritoryo.
Tinukoy ni Rodriguez na nakasaad sa resolusyon ng Kamara na base sa arbitral court ruling ay walang legal na basehan ang pag-aangkin ng China sa South China Sea kasama ang WPS.