Hindi pa dapat mabahala ang Pilipinas sa development na nangyayari ngayon sa Taiwan Strait.
Ito ay kasunod na rin ng military drills na isinagawa ng China kamakailan sa Taiwan Strait bilang babala sa pakikipagpulong ni Taiwanese President Tsai Ing-Wen kay US House Speaker Kevin McCarthy sa Estados Unidos.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, hangga’t hindi nakakaabot ang bala ng China sa ating bansa ay hindi dapat maalarma ang ating mga kababayan sa mga aktibidad at nangyayari sa Taiwan Strait.
Pinawi pa ng senador ang pangamba na mauwi sa gulo o giyera ang development sa naturang teritoryo dahil patuloy naman aniyang nagmo-monitor ang pwersa ng depensa ng bansa.
Samantala, hindi naman sang-ayon si Dela Rosa sa suhestyon na ilipat na lang sa ibang lugar ang apat na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites kasunod ng babala ng China na posibleng madamay ang Pilipinas sa girian ng China at Taiwan na ikapapahamak ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Giit ni Dela Rosa, ang pangulo ng bansa ang siyang pangunahing arkitekto ng ating foreign policies at hindi tayo maaaring diktahan ng China gaya na lamang din sa Estados Unidos.
Paliwanag pa ng senador, ang mga dagdag na EDCA sites ay bahagi lang ng ating commitment sa Amerika sa ilalim ng napagkasunduang EDCA at kinikilala natin ito kaya hindi dapat tingnan ng China na maaari nilang gawin ang lahat ng kanilang gusto sa Pilipinas.