Pilipinas, hindi pa handa sa Alert Level 1; COVID surge sa gitna ng campaign period, ibinabala

Hindi pa handa sa Alert Level 1 ang Metro Manila maging ang buong bansa.

Ito ang iginiit ng health advocate na si Dr. Tony Leachon sa harap ng mga panawagang luwagan pa ang COVID-19 restriction pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero.

Paliwanag ni Leachon, kahit bumababa na ang arawang kaso ng COVID-19 ay hindi naman kasama sa datos ang mga nagpopositibo sa rapid antigen test.


Bukod dito, nasa halos 100,000 pa ang active cases sa bansa; mataas pa rin ang positivity rate na nasa 16%; mababa ang testing at vaccination rate.

“Samakatuwid, hindi natin siya pwedeng i-consider na low risk kasi ang definition niya ay less than 1,000 at ang positivity rate should be less than 5% based on the World Health Organization benchmark,” saad ni Leachon sa panayam ng RMN Manila.

“Noong December 16 to 31, Alert Level 2 tayo pero tayo no’n e nag-a-average ng less than 500 at ang positivity rate natin 2%. Dito sa sitwasyon natin ngayon, Alert Level 2 tayo sa NCR, pilit na pilit yan kasi alam naman natin na ginawa yan because in celebration of Chinese New Year, dito sa national campaign period kasi kung Alert Level 3 tayo ngayon, hindi ia-allow yung mga ganyang klaseng gatherings,” punto niya.

Dalawang problema naman ang nakikita ni Leachon sakaling ibaba ang bansa sa Alert Level 1 sa gitna ng campaign period.

“Kung hindi natin ‘to babantayan, magkakaproblema tayo dyan particularly kapag ang mga political campaigns ay pumunta na sa Visayas at Mindanao na mababa ang vaccination rate at booster shots,” ani Leachon.

“Number two, ngayon ang focus ng local government unit leaders ay mangampanya, baka mapabayaan yung national vaccinations.”

“So ako, tingin ko, hindi pa tayo pwede sa Alert Level 1. Alert Level 2 muna tayo kasi may potential grace tayo in the next 90 days because of the political campaign sorties na nangyari na sa ibang country, for example itong India na nagkaroon ng superspreader event,” dagdag pa niya.

Facebook Comments