Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Grace Poe na hindi pa handa ang Pilipinas sa liberalisasyon ng asukal kung saan papagaanin ang patakaran sa pag-angkat ng asukal.
Diin ni Poe, kapag bumaha ang mas murang imported na asukal ay tiyak maaapektuhan ang lokal na industriya at mamamatay ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Mungkahi ni Poe sa pamahalaan, bago i-liberalize ang importasyon ng asukal ay ipatupad muna ng mahigpit ang Sugarcane Industry Development Act para mapalakas ang sugar industry.
Nakapaloob sa batas ang pag-upgrade sa teknolohiyang gamit ng ating mga magsasaka para makasabay sila sa dekalidad na produksyon ng asukal sa ibang bansa.
Nagbabala naman si dating Senate President Juan Ponce Enrile na aabot sa 84,000 magsasaka at 720,000 manggagawa mula sa 28 probinsya ang maaapektuhan ng panukala kung saan tinatayang limang milyong Pilipino na umaasa sa kita ng sugar industry ang magdurusa.
Ikinatwrian pa ni Enrile na ang deregulasyon sa imported na asukal ay makakapinsala sa ekonomiya dahil mahigit P120 bilyon kada taon ang ambag nito sa ekonomiya na buhat sa pagbenta ng raw at refined na asukal, molasses, bioethanol at biopower.