Hindi pa kailangang maghigpit ng Pilipinas sa pagpapapasok ng mga Pilipino at dayuhang manggagaling sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng monkeypox.
Ito ang sinabi ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, makaraang makapagtala ng dalawa pang bagong kaso ng monkeypox sa bansa noong Biyernes.
Ayon kay Solante, sa halip na pagbawalan silang makapasok ay mas mainam na paalalahanan na lamang ang mga ito na maaari silang mahawaan ng monkeypox kapag nagtungo sila sa bansa.
Dapat din aniyang payuhan ang mga biyahero na magdeklara ng tamang health information lalo na kung nanggaling sila sa mga bansang infected ng monkeypox o kung may nararanasan silang sintomas ng sakit upang agad na madala sa doktor.
Nanawagan din si Solante sa publiko na laging maghugas ng kamay at sumunod sa COVID-19 health protocols na maaari ring gamitin para makaiwas sa monkeypox.
Una nang sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi pa kailangang magsara ng borders pero hihigpitan ng bansa ang surveillance system nito.