Iginiit ng National Task Force against COVID-19 na hindi pa nakakalagpas ang Pilipinas sa unang bugso ng infection.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng bilang ng naitatalang kaso ng COVID-19 o nagkakaroon ng downward trend.
Ayon kay NTF Spokesperson Restituto Padilla Jr., hindi pa umaabot ang bansa sa third wave ng COVID-19 infection.
Ang mga eksperto ang nagsasabi na kasalukuyang nasa first wave pa rin ang Pilipinas.
Binigyang diin ni Padilla ang kahalagahan ng partisipasyon ng publiko sa hakbang ng pamahalaan na maibsan ang epekto ng pandemya.
Sinimulan ng gobyerno ang pagpapatupad ikatlong bahagi ng National Action Plan (NAP) mula October 2020 hanggang March 2021 kung saan nakatuon ito sa pagpapaigting ng health protocols para maprotektahan ang publiko habang unti-unting binubuksan ang ekonomiya.
Sa datos ng Department of Health (DOH) mula October 7 hanggang 13, aabot sa 2,641 ang average na bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala kada araw.