Umapela si Senator Migz Zubiri na huwag tayong tumulad sa ibang mga bansa na ‘dysfunctional’ ang mga pamilya.
Ayon kay Zubiri, ngayon pa lang ay tutol na siya sa panukalang diborsyo sa bansa dahil siya ay isang konserbatibong mambabatas o pro-family, pro-life, kaya lahat ng mga panukalang may kinalaman sa paghihiwalay ng mga pamilya ay hindi niya sinasang-ayunan.
Sinabi ng dating Senate president na dapat pag-aralang mabuti ang panukala upang hindi tayo maging katulad ng ibang mga bansa na marami ang dysfunctional family dahil kapag ayaw na ng mga magulang ay agad-agad na naghihiwalay at hindi na nabibigyang pagkakataon na solusyunan ang problema ng pamilya.
Inihalimbawa ni Zubiri ang Estados Unidos na usong-uso ang ‘Las Vegas weddings’ kung saan magpapakasal at bigla na lang maghihiwalay habang ang mga anak ay naiiwang malungkot at hindi maayos ang pagpapalaki kaya nauuwi sa maraming kaso ng mass shootings at mataas na mental health problems sa mga kabataan.
Sinabi pa ni Zubiri na hindi niya matiyak kung makakalusot ang divorce bill sa Senado pero tiyak na paiiralin aniya ng mga senador ang conscience vote lalo’t napaka-personal ng panukalang ito para sa kanila.