Pumangatlo ang Pilipinas sa itinuturing na pinakaligtas na bansa sa buong Southeast Asia.
Batay ito sa Global Law and Order Report 2023 ng American analytics firm na Gallup.
Sa nasabing pag-aaral, tinanong ang mga respondent hinggil sa kumpiyansa nila sa local police force at kung pakiramdam ba nila na ligtas sila kahit naglalakad nang mag-isa sa gabi.
Nakakuha ang Pilipinas ng law and order index score na 86.
Nanguna naman sa survey ang Vietnam na may score na 92, pangalawa ang Indonesia, 90 habang kulelat ang Myanmar, 66.
Ikinatuwa naman ng Philippine National Police ang report at sinabing magsisilbi itong gabay sa pulisya upang ipagpatuloy ang misyon nitong pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga komunidad.
Pagdating naman sa buong mundo, nakapasok ang Pilipinas sa top 40 countries na may mataas na score mula sa 140 mga bansang kalahok sa survey.
Nanguna ang Tajikistan na may score na 96, panghuli ang Liberia, 40.