Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na kukuha ng inisyal na tatlong milyong bakuna laban sa COVID-19 sa pagsali ng Pilipinas sa COVID-19 Vaccines Global Access o COVAX Facility.
Ayon kay Science Secretary Fortunato Dela Peña, ang 3 milyong bakuna ay minimum requirement o katumbas ng 3% ng populasyon.
Sinabi rin ni Dela Peña na maaaring bumili ng bakuna sa pamamagitan ng COVAX ng hanggang 20% ng populasyon.
Ang pagbili sa bakuna ay tinalakay na sa Inter-Agency Task Force (IATF) at aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang bakuna ay nagkakahalaga ng 500 pesos, ibig sabihin ay aabot sa 1.5 billion pesos ang kailangang ilaang budget para sa tatlong milyong target na populasyon.
Sinabi rin ni Dela Peña na mayroong posibilidad na ang aprubadong bakuna ay kailangang iturok ng dalawang doses.
Kailangang masakop ang 60% ng populasyon para maabot ang immunity.
Ipaprayoridad sa COVID-19 immunization ang mga Pilipinong nasa ilalim ng poverty level.