Pilipinas maaring mapasabak sa giyera pag hindi na-review ang Mutual Defense Treaty – sa pagitan ng Pilipinas at Amerika

Malaki ang posibilidad na mapasabak sa giyerang hindi inaasahan ang Pilipinas kung hindi mapag aaralang muli ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.

Ito ang dahilan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang pagpupursige na pag-usapan ng Pilipinas at Estados Unidos ang mga probisyon ng treaty.

Matatandaang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin na sapat na ang binigay ng katiyakan ni US Secretary of State Micheal Pompeo sa commitment ng Estados Unidos na ipagtanggol ang Pilipinas kapag ito ay inatake at hindi na kailangan ng review.


Paliwanag ni Lorenzana, hindi problema ang pangako ng Estados na sasaklolo sa Pilipinas kung may umatake sa bansa.

Pero wala namang kaaway ang Pilipinas at walang nakikitang magiging kalaban sa hinaharap.

Ayon sa kalihim, ang Estados Unidos ang mas malamang na mapasabak sa giyera dahil sa napapadalas na paglalayag ng kanilang mga barkong pandigma sa West Philippine Sea, na inaangkin ng Tsina.
Kung mangyari aniya ito, ay may panganib na madadamay ang Pilipinas lalo pa kung hindi malinaw ang mga termino sa Mutual Defense Treaty.

Facebook Comments