Tiniyak ng Pilipinas na magbibigay ito ng donasyong COVID-19 vaccines sa Myanmar sa ilalim ng kondisyong hindi ito magagamit para habulin ang mga kritiko ng military junta ng nasabing bansa.
Sa 2022 national budget hearing sa Kamara, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., na ipinangako ng Pilipinas ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa isang summit na dinaluhan ng mga Southeast Asian countries.
Pinasisiguro naman ni Locsin na ang ibibigay na mga bakuna ng Pilipinas sa Myanmar ay hindi dapat gamitin para ipitin at ikulong ang mga lulutang na kritiko na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Samantala, hindi naman malinaw kung gaano karami ang bakuna na ibibigay ng Pilipinas sa Myanmar.
Sa ngayon, hirap pa rin ang Pilipinas na makakuha ng sapat na bakuna para sa sariling COVID-19 vaccination program.