Pilipinas, magiging manipis ang supply ng COVID vaccines sa first quarter ng taon – Galvez

Inamin ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na magiging manipis ang supply ng COVID-19 vaccines sa unang kwarter ng taon.

Ayon kay Galvez, aabot sa 3.5 million doses ng Pfizer at AstraZeneca vaccines sa pamamagitan ng COVAX Facility ng World Health Organization (WHO) ang darating sa bansa.

Mayroon ding karagdagang 600,000 doses na donasyon naman mula sa China na inaasahang darating sa mga susunod na araw.


Ang Department of Health (DOH) ay magkakaroon ng procurement na nasa 1 million doses sa susunod na buwan.

Ang kabuuan ay nasa 5.1 million doses lamang ang mayroong vaccine supply ang bansa sa first quarter.

Sinabi ni Galvez na nakikipagnegosasyon na sila para sa karagdagang vaccine supplies mula sa United Kingdom, China, Russia at India.

Importanteng mabakunahan ang 1.7 million healthcare workers, senior citizens at vulnerable population.

Sa second quarter, inaasahang makatatanggap ang bansa ng nasa 24.1 million COVID-19 vaccines, kabilang ang 6 million jabs mula sa COVAX facility.

Ang main volume ng mga vaccine supplies ay darating sa bansa sa ikatlo at ikaapat na quarter ng taon.

Sa pagtatapos ng 2021, kabuuang 161 million doses ang matatanggap ng Pilipinas.

Facebook Comments