Tutulong ang Pilipinas sa Syria para sa mga biktima ng lindol nitong nakalipas na buwan.
Ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, ang tulong na ito ay financial assistance na nagkakahalaga ng 200,000 dolyar na ibibigay ng bansa sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Syrian Arab Republic bilang donasyon bukod pa sa ibang relief assistance.
Batay sa anunsyo ng DFA, na bilang miyembro ng International Community of Nations, sinusuportahan ng Pilipinas ang pagsisikap ng mundo na tulungan ang mga biktima ng lindol, hindi lamang sa Türkiye kundi maging ng Syria.
Sinabi pa ni Garafil, na batay na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos, mahigpit na magkakaroon ng ugnayan ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para magpatupad ng humanitarian commitments sa Syrian government.
Matatandaang una nang nagpadala ang Pilipinas ng 82-man Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent sa Türkiye upang umayuda sa response operations sa mga biktima ng lindol.