Nais ni Pangulong Bongbong Marcos na matukoy ang totoong nangyari sa pagitan ng tropa ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard nitong November 20, 2022 sa Pag-asa Island na sakop ng Palawan.
Magkaiba raw kasi ang pahayag ng China Coast Guard at ng Philippine Navy sa insidente.
Batay kasi aniya sa pahayag ng chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), pwersahang kinuha ng Chinese Coast Guard ang natagpuan nilang pinaniniwalaang debris mula sa Chinese rocket na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Pag-asa Island sa Palawan.
Pero hindi raw ganito ang pagkakalarawan ng Chinese Coast Guard.
Dahil dito, sinabi ng pangulo na magpapadala ang Pilipinas ng note verbale sa China para malinawan ang isyu.
Sa kabila nito, nanatiling buo ang tiwala ng pangulo sa Philippine Navy ngunit gusto niya lamang daw malaman bakit iba ang version ang China sa insidente.
Kinakailangan aniyang maresolba ang isyung ito.
Kaya natutuwa aniya siya dahil may nakatakda siyang state visit sa China sa Enero sa susunod na taon at ito ay dapat na mapag-usapan dahil kapag hindi aniya nag-ingat sa mga statement ay posibleng mauwi ito sa gulo.