Pilipinas, makatatanggap ng 2.3 million na bakuna sa katapusan ng Marso – Galvez

Tinatayang aabot sa 2.3 million doses ng coronavirus vaccines ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan.

Ito ang nakikitang paraan ng pamahalaan para mapigilan ang pagtaas ng active cases at sa pamamagitan ito ng pinaigting na vaccination program.

Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., mayroong 1.4 million doses ng CoronaVac vaccines mula sa Sinovac-Biotech ang nakatakdang dumating sa bansa ngayong buwan.


Mula sa nasabing bilang, 400,000 doses ay donasyon ng Chinese Government habang ang natitirang isang milyong doses ay galing sa procurement ng pamahalaan sa Sinovac sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).

Bukod dito, sinabi ni Galvez na nasa 979,200 doses mula sa AstraZeneca ang ipadadala sa bansa sa March 22.

Ang naturang shipment ay second batch ng vaccine supply na nakuha ng pamahalaan mula sa COVAX Facility.

Kapag dumating ang mga nasabing bakuna – ang kabuuang bilang ng vaccine doses ang mayroon ang bansa ay aabot sa 3.5 million, sapat para bakunahan ang 1.7 million medical frontliners sa buong bansa.

Paalala rin ni Galvez na dapat magamit agad ang mga bakuna ng AstraZeneca para maiwasan ang posibleng delay ng second tranche ng bakuna mula sa COVAX Facility.

Dahil dito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na tiyakin ang patas na distribution ng bakuna sa buong bansa.

Facebook Comments