Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na malaki ang magiging pakinabang ng bansa kung maaalis ang ilang restrictive economic provision sa ilalim ng 1987 Constitution.
Nabatid na isa si Gatchalian sa mga naghain ng “Economic Cha-Cha” noong 2019.
Ayon sa senador, para mapalagong muli ang ekonomiya pagkatapos ng pandemya, dapat na maparami ang foreign investor sa Pilipinas.
Kabilang sa isinusulong niya ay ang pag-aalis ng restriction sa edukasyon nang sa gayon ay hindi malimitahan ang kaalamang pwedeng matutunan ng mga Pilipino.
Habang tutol siya na makabili at makapagmay-ari ng lupa sa bansa ang mga dayuhan.
“Ang aking pananaw dito, kung gusto nating lumago an gating ekonomiya, e dapat tanggalin natin yung mga ganitong restriction sa investment. Pero hindi ako sang-ayon doon sa lupa. Hindi ko isinama yun dahil marami nang pag-aaral na kapag pinayagan natin ang dayuhan na makabili ng lupa rito, maraming magsasaka ang mawawalan ng trabaho,” ani Gatchalian.
Pero ayon kay Gatchalian, bukod sa pagpapaluwag sa restrictive economic provision dapat ding solusyunan ng gobyerno ang problema sa red tape at korapsyon.
“Kung hindi matatanggal yung korapsyon, kahit na tanggalin mo ang lahat ng economic provisions, ibigay mo lahat ng insentives, hindi pa rin papasok dito sa atin,” dagdag pa niya.
Samantala, para kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hindi katanggap-tanggap ang pagsusulong sa economic cha-cha sa panahong nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Naniniwala rin ang mambabatas na may political agenda sa likod nito.
“Malinaw na meron talagang political agenda sa likod nito. Hindi kapani-paniwala na sa panahong ito na nasa last two minutes na tayo e biglang may magtutulak nito at sasabihin nila purely on economic provisions ito,” saad ni Zarate.
“Hindi pa nga natin na-boogie itong pandemya ng COVID na matindi ang krisis na dala nito e pasasayawin na naman ang mamamayan ng cha-cha. So talagang hindi katanggap-tanggap ito.”