Tinatayang aabot sa ₱2.1 billion ang mawawalang kita ng gobyerno kada araw kung ilalagay muli ang Metro Manila at apat na kalapit na probinsya sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ito ang binigyang diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa harap ng pagpapatupad ng mahigpit na quarantine measures sa general community quarantine (GCQ) bubble.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, bagamat epektibong paraan para makontrol ang paglobo ng COVID-19 cases sa bansa ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine classification, mauuwi lamang ito sa mas maraming taong nagugutom at mawawalan muli ng trabaho.
Iginiit ni Chua na kailangan ng maingat at calibrated na approach para mapangalagaan ang mga nagkasakit ng COVID-19 at ang mayorya na nahaharap sa gutom at iba pang sakit.
Kung ibabalik ang MECQ, mapipigilan nito na magkaroon ng 266,194 na bagong kaso at 4,738 na namatay.
Maiiwasan din ang 11,626 na severe o critical COVID-19 cases.
Pero, sinabi rin ni Chua na ang antas ng kahirapan at pagkamatay dulot ng ibang sakit ay lalala sa Metro Manila.
Aniya, ang 3.2 million na Pilipino ang nagugutom ay madadagdagan ng 58,000 habang ang 506,000 na indibiduwal na walang trabaho ay madadagdagan ng 128,000.
Kaya iginiit muli ni Chua na kailangang balansehin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga factors at nakabuo ng rekomendasyon hinggil sa GCQ bubble.
Kabilang sa mga inirekomenda ng NEDA ay ang pagpapatupad ng localized lockdown, ibaba sa 50% ang kapasidad ng pampublikong transportasyon, pagsusulong ng pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon, curfew, pagbabawal sa non-essential travel at mass gatherings at paghihikayat sa mga tao na magsuot ng face masks kahit na nasa loob ng bahay.