Tiniyak ng Malacañang na may sapat na hospital beds para sa lahat ng pasyenteng tinamaan ng Coronavirus disease.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may inilatag na sistema ang Chief Treatment Czar na si Health Undersecretary Leopoldo Vega para magamit nang husto ang healthcare capacity at masigurong mayroong koordinasyon ang mga ospital.
Umapela si Roque sa mga pasyente na sundin ang payo ng ospital sakaling palipatin sila ng ibang pasilidad.
Ang mga pribadong ospital ay pinayuhan na ni Vega na itaas ang nakalaang kama para sa COVID-19 patients sakaling magkaroon ng pagtaas ng kaso.
Una nang sinabi ni Vega na umabot na sa ‘danger zone’ ang critical care capacity para sa ICU beds kung saan nasa 70% na ang occupancy rate.
Kabilang sa mga hakbang na ipapatupad ay ang pagpapalawak ng kapasidad ng ospital sa pamamagitan ng pagtaas ng COVID bed allocations, pagtatalaga ng karagdagang health care personnel, at dagdagan ang medical supply para sa lahat ng ospital.