Pilipinas, muling maghahain ng diplomatic protest laban sa China kasunod ng pinakahuling insidente sa Escoda Shoal

Muling magsasampa ang pamahalaan ng diplomatic protest laban sa China kasunod ng pinakahuling insidente ng pangha-harass ng China sa barko ng Pilipinas sa Escoda Shoal.

Sa Malacañang press briefing, iginiit ni National Maritime Council Spokesperson (NMC) Vice Admiral Alexander Lopez na nananatili ang commitment ng pamahalaan sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na idaan sa mapayapaang paraan ang pagresolba sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Lopez, hindi makabubuti para sa Pilipinas ang pagganti sa marahas na paraan sa China.


Bagama’t “unprofessional” at labag sa international law aniya ang ginawa ng China, ay ayaw nilang gawing komplikado pa ang sitwasyon.

Gayunpaman, nanindigan ang NMC na ipagpapatuloy ng bansa ang paggiit sa karapatan at hurisdiksyon ng Pilipinas sa West Philippines Sea.

Kinakalap na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga dokumento, larawan, video, at iba pang detalye kaugnay sa ginawang panghaharang ng Chinese vessel sa dalawang PCG vessel sa Escoda Shoal, kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Facebook Comments