Naghain muli ang pamahalaan ng diplomatic protest laban sa China dahil sa pagkukumpiska ng fish aggregative devices na ikinabit ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippines Sea.
Ang insidente ay nangyari noong Mayo, 124 nautical miles malapit sa isla ng Palawan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang ginawang pagkuha ng Chinese Coast Guard sa mga device na mas kilala bilang ‘payao’ ay ilegal.
Bukod dito, mariin ding tinututulan ng DFA ang patuloy na pagraradyo ng China laban sa Philippine Aircraft na nagsasagawa ng lehitimong at regular na maritime patrols sa West Philippines Sea.
Batay sa desisyon ng 2016 ruling ng arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands, ang Scarborough Shoal ay itinuturing na traditional fishing ground para sa mga Pilipino, Vietnamese at Chinese Fishermen.
Sa ngayon, hindi pa rin kinikilala ng China ang ruling at iginiit na bahagi ng kanilang teritoryo ang Scarborough na 472 nautical miles mula sa coastal province ng China na Hainan.