
Nagpadala na ng liason officer ang gobyerno ng Pilipinas para makipag-ugnayan sa posibleng kinaroonan ng negosyanteng si Atong Ang sa Cambodia.
Sa ambush interview sa Philippine National Police (PNP) Day na ginanap sa Kampo Krame sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kung talagang nasa Cambodia si Ang, ay merong extradition treaty doon ang Pilipinas.
Dagdag pa nya, naging hamon ang pagtunton sa nasabing negosyante dahil sa dami nitong pera ngunit kumpiyansa pa rin umano sya na mahahanap si Ang lalo na at paliit ng paliit ang mundo nito.
Ayon pa sa kanya, dahil pangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ngayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., baka sakaling ang koordinasyon ng paghahanap kay Ang ay mas maganda.
Samantala nasa 18 sites na ang napupuntahan ng awtoridad na posibleng kinaroroonan ni Ang ngunit ang lahat ng ito ay naging negatibo ang operasyon.










