Pilipinas, nagpasaklolo na sa France at US hinggil sa lumalawak na oil spill sa Oriental Mindoro

Humingi na rin ng tulong ang Department of National Defense (DND) sa France at Estados Unidos hinggil sa nagpapatuloy na oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro, makaraang lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28, 2023.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Asec. Raffy Alejandro, partikular na kailangan ng bansa ang expertise at technical support ng France at United States, maliban sa tulong Japan na nagpadala ng Remotely Operated Vehicle (ROV).

Ayon kay Asec. Alejandro, magbibigay ang ROV ng assessment report hinggil sa actual condition ng lumubog na vessel sa loob ng tatlo hanggang limang araw.


Ang nasabing ulat ang siyang magiging basehan ng pamahalaan kung ano pang mga hakbang ang maaaring gawin upang ma-contain ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na barko.

Samantala, doble kayod din ang binuong National Task Force upang mabawasan kahit papano at gumawa ng integrated intervention ang gobyerno para sa oil spill management sa MIMAROPA at Western Visayas.

Sa pinakahuling datos, nasa 32,661 pamilya mula MIMAROPA at Western Visayas ang apektado ng naturang oil spill kung saan umaabot na sa P28.3-M halaga humanitarian assistance mula sa gobyerno, Local Government Units (LGUs), non-government organizations (NGOs) ang naibigay sa mga apektadong residente.

Facebook Comments