Pilipinas, nagpatupad ng travel ban sa India sa harap ng pagtaas ng kaso ng COVID-19

Nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa mga biyaherong mula sa India dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung saan isinisisi ito sa “double mutant” variant na mabilis makahawa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pagbabawalan ding pumasok sa bansa ang mga may travel history sa India sa loob ng 14 na araw kasama ang mga Pilipino.

Aniya, magsisimula ang travel ban ng alas-12:01 ng hating gabi ng Abril 29 hanggang Mayo 14, 2021.


Papayagan namang makapasok ng Pilipinas ang mga pasaherong “in-transit” mula sa India o kaya ay dumating bago ang Abril 29 pero kailangan nilang sumailalim sa quarantine at testing protocols kahit pa negatibo ang resulta ng kanilang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Maaari din aniyang ipatupad ang paghihigpit sa pagpasok sa Pilipinas ng mga galing sa ibang bansa na makikitaan ng bagong COVID strain alinsunod sa magiging rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH).

Inatasan naman ng Malacañang ang Department of Transportation (DOTr) na abisuhan ang mga airline company na huwag payagang sumakay ng eroplano ang mga pasaherong sakop ng travel restriction.

Facebook Comments