Muling tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang commitment na ipaprayoridad ang mga Personal Protective Equipment (PPE) na gawa ng mga local manufactures.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, binuo nila ang industriya na noon ay wala pa sa bansa.
Ito ang industriya ng paggawa ng masks, PPE at overalls.
Mula sa dati na zero capacity, ang Pilipinas ay nakagagawa na ng 56 milyong masks kada buwan.
Aabot naman sa tatlong milyong overalls ang nagagawa ng bansa para sa overalls.
Ipinagmalaki rin ni Lopez na ang mga PPE na gawa sa bansa ay “above-standard” quality.
Sinabi rin ni Lopez na may mga probisyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 na makatutulong para hindi na mag-aangkat pa ng mga ganitong produkto.
Nabatid na niratipikahan ng Kamara at Senado ang Bayanihan 2 noong nakaraang buwan, ang ₱165 billion stimulus package na layong tulungan ang mga lokal na industriya na makabangon kasunod ng paghina ng ekonomiya dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.