Nakahanda ang Pilipinas na sumaklolo sa Türkiye saka-sakaling kailanganin nila ng tulong.
Ito ang pahayag ng Office of Civil Defense (OCD) matapos tumama dito ang magnitude 7.8 na lindol kahapon.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepumoceno, handang tumugon ang OCD at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sakaling humingi ng tulong ang embahada ng Türkiye sa pamamagitan ng Emergency Medical and Urban Search and Rescue units.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang OCD sa concerned agencies para sa posibleng deployment ng mga equipment at personnel.
Una nang nagpaabot ng pakikiramay si Nepomuceno sa Türkiye dahil sa malaking bilang ng casualties sa nasabing pagyanig.
Samantala, pinawi ng OCD ang posibleng epekto ng lindol sa Türkiye sa bansa base na rin sa naging pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na masyadong malayo ang aktibong faultline sa Türkiye at hindi konektado sa mga aktibong faultline ng Pilipinas.
Pero, hindi aniya malayong mangyari din ang malakas na lindol sa Pilipinas kung kaya’t mainam na laging handa, alerto at may sapat na kaalaman ang lahat sakali mang tumama rin sa bansa ang malakas na pagyanig.