Kinumpirma ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na unti-unti nang tumataas ang testing capacity ng Pilipinas pagdating sa COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dizon na sa ngayon ay umaabot na sa 12,000 ang testing capacity ng bansa kada araw.
Bukod dito, ayon kay Dizon, target ng gobyerno na makapagsagawa ng 5,000 tests kada araw sa apat na mega swabbing facilities sa bansa at kabuuang 30,000 tests kada araw sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan.
Sinabi pa nito na sa susunod na linggo ay makakamit na natin ang 5,000 testing capacity kada araw kapag naging fully operational na ang apat na mega swabbing facilities sa bansa.
Kabilang dito ang Mall of Asia Arena at Palacio de Maynila na kapwa matatagpuan sa Pasay City, Enderun Tent sa Taguig City at ang Philippine Sports Stadium sa Philippine Arena sa Bulacan.
Sa datos ng Department of Health (DOH), as of May 6, nasa 131,000 individuals na ang napasailalim sa COVID-19 test nationwide.