Pilipinas, nakakuha ng isang seat o upuan sa bagong tatag na loss and damage fund board kontra climate change

Nakapasok na ang Pilipinas bilang isa sa mga miyembro ng loss and damages fund board.

Inanunsyo ito ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Antonia Yulo-Loyzaga sa press briefing sa Malakanyang.

Ayon kay Loyzaga, nakuha ng Pilipinas ang isang seat sa board sa ginanap na 28th United Nations Climate Change Conference o COP 28 sa Dubai.


Dahil dito, uupo ang Pilipinas sa board ng full term na dalawang taon para sa 2024 at 2026 habang alternate naman ito sa 2025 o term sharing sa pagitan ng Pakistan na isa ring Asia Pacific country.

Dagdag pa ng kalihim, ang pagkakakuha ng isang slot sa board ay inaasahang magiging advantage para maisulong ng Pilipinas ang interes na makakalap ng pondo mula sa mga mauunlad na bansa upang bayaran ang mga bansang labis na tinatamaan ng epekto ng climate change.

Bukod dito, sinabi ni Loyzaga na magiging host din ang Pilipinas para sa mga pagpupulong ng board.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Loyzaga na mayroon nang hanggang 700 milyong dolyar ang pledges na nakalap at inaasahang magiging operational sa lalong madaling panahon.

Ang mga pledges ay mula sa Germany, UAE, UK, at iba pang mauunlad na bansa.

Ang pondong ito ay gagamitin para sa climate change adaptation and mitigation projects.

Facebook Comments