Sampung panibagong kaso ng Omicron variant ang na-detect ngayon sa bansa.
Ito ay mula sa 48 na sample sa University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines-National Institutes of Health.
Sa sampung bagong kaso, tatlo rito ang local Omicron variant cases kung saan ang dalawa ay mula sa Bicol Region at ang isa ay taga-National Capital Region.
Bunsod nito, sumampa na sa labing apat (14) ang kabuuang bilang ng positibo sa Omicron sa Pilipinas.
Sa NCR, na-detect mula sa 42-anyos na lalaki ang Omicron variant noong Disyembre 03.
Habang nagpositibo naman sa Omicron variant ang 27-anyos na babae sa Bicol Region noong Disyembre 14 at ang pangatlong local cases ay mula naman sa 46-years old na babae na taga Bicol din at nagpositibo noong Disyembre 15.
Kapwa naman recovered na sa virus ang tatlong local cases.
Samantala, ang panibagong pitong kaso naman ng Omicron ay mula sa anim na Returning Overseas Filipinos at isang Malaysian national.
Ang mga ito ay galing ng Amerika, United Kingdom, at Ghana sa West Africa.