Inanunsyo ng Japanese Government sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na naglabas sila ng 50 billion Japanese Yen o katumbas ng ₱23 billion para sa COVID-19 Response Emergency Support Loan sa Pilipinas.
Binanggit ng JICA ang mga datos mula sa National Transmission Assessment ng World Health Organization (WHO), kapansin-pansin ang pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas, kung saan mayroong mataas na transmission sa Metro Manila at Central Visayas.
Ayon kay JICA Philippines Chief Representative Azuzikawa Eigo, katuwang ng Japan ang mga Pilipino ngayong panahon ng bayanihan.
Pinuri rin ng Japan ang walang kapagurang pagtugon at pamumunong ipinapakita ng pamahalaan sa pagresolba ng pandemya.
Ang Pilipinas ang unang nakatanggap ng Emergency Support Japanese Official Development Assistance (ODA) Loan para sa COVID-19.