Nalagpasan na ng Pilipinas ang crisis stage ng COVID-19 pandemic.
Ayon Health Secretary Francisco Duque III, nasa -81% na lamang ang two-week growth rate sa buong bansa habang ang average daily attack rate (ADAR) ay nasa pito kada 100,000 populasyon na lamang na maikokonsidera nang “low-risk.”
Maliban dito, nasa low risk na rin ang health system capacity kung saan 30% na lamang ng mga kama ang nagagamit.
Samantala, sa kabila ng gumagandang sitwasyon, hindi pa rin pabor si Duque sa posibleng pag-aalis ng mandatory “face mask policy.”
Aniya, hindi siya naniniwala na malapit na ang panahong pwede nang alisin ang polisiya lalo’t panahon ngayon ng kampanya.
Una na ring tinutulan ng OCTA Research Group ang pinalulutang na “no face mask” sa fourth quarter ng 2022.
Giit ni OCTA Research fellow Dr. Butch Ong, dapat nang maging bahagi ng “new normal” ang pagsusuot ng face mask lalo na kapag lalabas ng bahay para dumalo sa mga mass gathering o magtungo sa matataong lugar.
Para kay Ong, maaari lamang alisin ang polisiya kung nakabase ito sa datos at ebidensya.